|
Masarap na nagkaroon ng mahabang kunwaring panahon ng pagpapahinga. Nagawa ko ang mga normal na gawain ko sa mga araw na iyon. Tumapat sa computer at makinig ng mga musika doon habang gumagwa ng paper. Nagpapaala na ako ay isa pa rin estudyante. Pagpasok ng lunes simula na naman ng gera. Madalas kong gawain kapag napanghihinaan ako ng loob ay basahin ang mga testimonials sa akin sa friendster. Doon kasi pakiramdam mo ay perpekto kang tao sa mga aspetong gusto mo. At naalala ko rin lang na ako ay isa pa lang graduating student, at matutupad ang aking pagtatapos kung malalampasan ko si Sir Avecilla. Balik tayo sa usaping graduating, habang nakatingin sa monitor ng aking PC nakita ko ang write up sa akin ng isang matagal ng kaibigan para sa yearbook. At dahil hinde naman kayo lahat ay makakakita ng aking yearbook, i-share ko na ang write up na ito. Hinde man ito magbigay ng kasiyahan sa inyo, at hinde man mabago ang takbo ng buhay niyo. Basta ako sumaya nung nabasa ko. Wala akong binago rito promise... Siya'y bato sa tabing-dagat na bagamat nalulunod kung minsa't walang humpay na hinahampas ng mga alon ay nananatili pa rin sa lugar at hindi natitinag. Si Maikel ay isang matibay na tao. Hindi niya ugali ang sumuko. Wala siyang sinasayang na lakas at sandali. Lahat ng bagay na kanyang nasimulan ay kanyang tinatapos. Tinitiyak niyang lahat ng kanyang ginagawa ay makabuluhan at makapagdudulot ng pag-unlad sa kanya. Parating pasulong ang kanyang lakad. Siya'y rocket ship na ang tanging direksiyong tinutungo ay pataas at mabilis na naglalakbay upang agarang maabot ang kalawakan. Ang mabusising pagkakagawa sa kanya ay pinag-isipang mabuti. Walang inilalaang puwang sa anumang pagkakamali. Malinaw kay Maikel ang mga bagay na nais niyang makuha at alam niya ang direktang daang dapat tunguhin upang makamit ang mga ito. Nananatili siyang tutok sa mga bagay na nais niyang maabot. Hindi siya madaling ma-distract* ng mga bagay na nagaganap sa kanyang paligid. Siya'y chewy candy na kapag sinubo ay nakakairita ang tigas sa loob ng bibig subalit habang tumatagal, sa patuloy na pagnguya at pagbabad sa laway ay unti-unting lumalambot at higit na lumalabas ang tunay na sarap. Ang lasa na nananatili kahit na ba maubos o inuman ng tubig. Sa sandaling pagkakakilala'y masasabi na si Maikel ay isang taong mahirap pakisamahan at i-please*. Ang tunay na mensaheng nais niyang ipaabot ay hindi makukuha sa mga salitang kanyang sinasabi kundi sa porma ng kanyang kilay na may perpektong korte at mga matang kahit na piliting maging maamo ay tila nanlilisik. Ganito man ang madalas na impresyong nakukuha, ang tunay na Maikel ay isang taong responsable, mapagkakatiwalaan, praktikal, malikhain at irreplaceable*. Ang kanya ring pagkamasiyahin ay nakapapawi ng lungkot ng ninuman Sa kabuuan, si Maikel ay isang tunay na kaibigang nananatiling totoo sa kanyang sarili at sa iba. |
| Leave a Comment: |